Isang hindi pa kilalang lalaki ang natagpuang wala nang buhay sa gilid ng Cotta Bypass Road sa Purok Ligaa, Barangay Ibabang Talim, Lucena City.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan at sanhi ng pagkasawi ng biktima na bumulaga dakong alas-9:50 ng umaga ng Nobyembre 10, matapos makatanggap ng tawag ang Lucena City Police na may bangkay ng lalaki na nakahandusay sa madamong bahagi ng kalsada.
Sa paunang pagsisiyasat, tinatayang nasa limang talampakan ang taas ng biktima at may mga tattoo sa kanang bisig.
Hinihintay pa ang resulta ng awtopsiya upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay nito.
Rumesponde rin ang Scene of the Crime Operatives (SOCO), habang sinusuri ng pulisya ang mga CCTV footage at kumukuha ng pahayag sa mga posibleng saksi upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at kung paano ito napadpad sa lugar.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. (Ronilo Dagos)
The post Bangkay bumuyangyang sa daan first appeared on Tonite - Abante.






