Halos sunog na ang bangkay ng isang taong gulang na sanggol na lalaki matapos tupukin ng apoy ang kanilang bahay sa Carmona City, Cavite, Biyernes ng gabi, Nobyembre 13.

Ayon sa ulat ng Police Regional Office 4A nitong Sabado, nagsimula ang sunog sa bahay ng biktima sa Barangay Milagrosa bandang 9:45 ng gabi.

Batay sa imbestigasyon, iniwan umnao ng ina ang bata sa pangangalaga ng dalawa pa niyang maliliit na anak matapos pumunta siya sa bahay ng isang kapitbahay bago maghapunan.

Habang wala ang kanilang ina, sinasabing nagsindi ng kandila ang dalawang bata at inilagay ito sa loob ng silid kung saan natutulog ang sanggol.

Pagkatapos ay lumabas ang dalawa upang maglaro, at iniwan ang bata na mag-isa sa silid habang nakasindi ang kandila.

Natagpuan ang sunog na bangkay ng bata na si Baby Tonying, matapos maapula ang apoy bandang 10:50 ng gabi.

Ayon sa ulat ng pulisya, ang silid kung saan natutulog ang biktima ay naglalaman umano ng ilang materyales na madaling masunog at iba pang gamit na madaling kapitan ng apoy.

The post Sanggol natusta sa kandila first appeared on Tonite - Abante.